Nais ni Senator Manuel Lapid na maging pang-habambuhay na ang bisa ng PWD ID cards sa mga tao na pang-habambuhay na rin ang kapansanan.
Inihain ni Lapid ang Senate Bill 1795 para hindi na mahirapan pa ang PWD na magpa-renew ng kanilang ID kada tatlong taon.
Sa ngayon, kailangan ng re-evaluation sa kondisyon ng PWD para magpatuloy ang pagbibigay sa kanya ng mga benepisyo dahil sa kanyang kapansanan.
Ngunit katuwiran ng senador hindi na kailangan pa ang re-evaluation para sa mga bulag, bingi, nawalan ng bahagi ng katawan at may pre-existing birth defects.
“Marapat lamang na bigyan ng mas malawak na pang-unawa at konsiderasyon ang mga kababayan nating may kapansanan. Hindi na sila dapat pahirapan pang i-renew ang kanilang PWD ID lalo na kung ang kapansanan nila ay panghabang-buhay na.
Makakabigat lamang sa kanila ang pagsasailalim sa paulit-ulit na proseso ng pagkuha ng ID at pag-aaksaya lang din ito ng kanilang oras at salaping pambayad sa renewal fee,” katuwiran ng senador.