Mga nawawalang crew ng lumubog na cargo vessel sa Japan kabilang ang 38 Pinoy, hindi pa rin natatagpuan

Pinaghahanap pa din ang 42 crew ng lumubog na cargo vessel sa Japan.

Ang Gulf Livestock 1 ay may lulang 5,800 na mga baka na galing New Zealand at dadalhin dapat sa China.

Pero habang nasa karagatan ito na sakop ng Amami Oshima, ay nagpadala ito ng distressed call sa Japan Coast Guard.

Ayon sa nag-iisang Pinoy na na-rescue ng mga otoridad na si Eduardo Sareno, 45 anyos huminto ang isa sa mga makina ng barko.

Nakarinig na umano siya ng anunsyo na kailangan nang magsuot ng life jackets dahil lulubog ang barko.

Doon na siya nagpasyang tumalon sa dagat.

Sa loob ng halos 24 na oras niyang nagpalutang-lutang sa dagat sinabi ni Sareno na wala siyang nakitang ibang kasamahan niya.

Nagpapatuloy pa ang search and rescue operations ng Japan Coast Guard sa mga nawawalang crew na kinabibilangan ng 38 Pinoy, 2 Australians at 2 New Zealanders.

 

 

Read more...