Sa isang resolusyon ng Comelec en banc, nanindigan ang poll body na lubhang matakaw sa oras ang printing ng resibo para ipatupad sa nalalapit na halalan.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, kung ikukunsidera ang mahigit na 54 milyong botante na mamimili mula sa 18 libong kandidato sa natl at lokal position at pagmamarka nito ng 34 hanggang 35 beses para sa isang botante, hindi ito uubra sa 2016.
Lumalabas din sa isinagawa nilang time and motion study na kung ipi-print pa ang resibo, madadagdagan ng 13 na segundo ang proseso ng pagboto.
Hindi pa aniya kasama dito ang oras sa pagbasa ng botante sa buong balota, ang pagtama kung sakaling magkamali ito pati na ang tagal kung magpapalit ng thermal paper.
Dagdag gastos din aniya ito dahil kailangan bumili ng papel para sa printing.
Nangangamba din aniya sila dahil magagamit ang mga resibo bilang ebidensya sa vote buying.
Wala naman silang nakikitang ligal na problema sa hindi pag-iimprenta ng resibo dahil hindi naman ito pinaparusahan ng batas.
Samantala, sa isang hiwalay na resolusyon, nagpasya din ang Comelec na limitahan sa siyam na segundo ang on screen verification para maberipika ng mga botante ang kanilang boto.