300km illegal electrical wire, nakumpiska ng MORE Power sa “Oplan Valeria” anti-jumper raid
Sa loob lamang ng isang buwang tuluy-tuloy na operasyon laban sa illegal electric connection sa Iloilo City ay umabot na sa may 300 kms na illegal wiring o jumper cables ang narekober ng More Electric and Power Corp. (More Power).
Ayon sa More Power kung ilalatag ang kanilang nakumpiskang illegal wiring ay nasa 300 kilometers na ito at kung titimbangin ay aabot ng 10 tons.
Sa datos ng More Power ay nasa 156 barangay na sa kabuuang 180 barangay ang kanilang nagalugad sa isinasagawang Operation Valeria anti jumper raid, sa loob ng 1 buwan ay may 5,000 illegal connections na nakakabit sa kanilang secondary line na din ang natanggal.
Upang masiguro na hindi na muling makapapagkabit ng jumper sa mga lugar na mataas ang rate ng illegal connection ay nagtalaga na ang More Power ng may 500 guwardiya sa ibat ibang lugar para regular na magbantay.
“We’ve already placed almost 500 guards in areas where power pilferage has been observed to be prevalent” ayon sa More Power.
Samantala nasa 17 katao na ang nakasuhan matapos mahuli sa aktong nagkakabit ng
jumper cables, ang mga ito ay nahaharap sa mabigat na kaso bukod para sa itinakda ng korte sa P130,000 ang kanilang piyansa.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang ginagawang Oplan Valeria Anti-Jumper Raid ng More Power sa may 24 pang natitirang barangay.
Tiniyak ng More Power na wawakasan nito ang illegal power connection sa Iloilo City na ayon sa isinagawang pag aaral ay umabot na sa 30,000, ang talamak na paggamit ng jumper ang dahilan kung bakit mataas ang insidente ng sunog sa mga power lines gayundin ay mataas ang system loss.
Ang nakumpiskang mga jumper cables ay nakatakda namang gamitin ng More Power bilang ebidensya laban sa dating distribution utility na Panay Electric Company (PECO).
“All of these wirings are measured and then labelled to be used as evidence in the investigation and eventual case that would be filed against PECO to prove how prevalent power pilferage has been in the city of Iloilo during their incumbency as its power distribution firm”dagdag pa ng More Power.
Bilang resulta ng ginawang crackdown sa llegal power connection ay tumaass na ang bilang ng mga residente nag apply para sa pagpapakabit ng kanilang sariling electric meter.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.