Pagbaba ng bilang ng Pinoy na walang trabaho, ikinagalak ng Palasyo

Ikinagalak ng Palasyo ng Malakanyang ang pagbaba ng bilang ng mga Filipino na walang trabaho sa bansa.

Base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), mula sa 17.7 porsyento o 7.3 milyon na walang trabaho noong Abril, nasa 10 porsyento o 4.6 milyon na lamang ang walang trabaho noong Hulyo kahit na nagpapatuloy ang pandemya sa COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mas marami kasi ang nakapagtrabaho na nang muling buksan ang ekonomiya ng bansa.

Pero pakiusap ng Palasyo sa mga manggagawa, patuloy na sumunod sa mga itinakdang health protocol para makasiguro na makaiiwas sa sakit naa COVID-19.

“Iyan po ay mabuting balita na habang nagbubukas po ang ekonomiya, mas marami siyempreng nakapagtatrabaho na. Kaya nga po ang pakiusap ko sa ating mga Filipino, sumunod po tayo sa minimum health standards, pagsusuot ng mask, paghuhugas ng kamay, pagso-social distancing, pagsusuot ng face shield, kasi habang ginagawa po natin ‘yan eh nabubuhay po tayo in spite and despite of COVID-19. Habang pinag-iingatan natin ang ating buhay eh magkakaroon po tayo ng hanapbuhay. Sana ay patuloy na po ito,” pahayag ni roque.

Nabatid na ang National Capital Region ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga nawalan ng trabaho dahil ito ang sentro ng ekonomiya.

Read more...