Ayon kay senatorial candidate at public safety advocate Francis Tolentino maiiwasan ang mga aksidente lalo na sa mga sa mga minahan at construction sites, kung may ipatutupad na mahigpit na regualsyon.
Tinukoy ni Tolentino ang nangyaring aksidente sa minahan ng Australia Tunnel sa Sitio Depot, Barangay Upper Ulip sa Monkayo, Compostela Valley kung saan apat na minero ang nakumpirmang patay at meron pang tatlong hinahanap.
Sa datos ng Institute of Occupational Health and Safety Development (IOHSAD), ang mga minahan at mga construction sites ang pinakadelikadong industriya sa mga manggagawang Pilipino dahil sa dami ng panganib at sa kakulangan ng batas na kayang pangalagaan ang kanilang kapakanan at kalusugan.
Sinabi ni Tolentino na kung siya ay mauupo sa senado maghahain siya ng panukalang batas na magpapataw ng criminal penalties sa lahat ng employers na lalabag sa workers safety laws.
Isusulong din ni Tolentino na bigyan ng mas malaking pondo ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagsasagawa ng mga safety inspections sa iba’t ibang lugar sa buong Pilipinas.
Pinuna ni Tolentino na huling na-amyendahan ang occupational health and safety standards ng DOLE noon pang 1989 at hanggang ngayon ay wala pang criminal penalties na pinapataw sa paglabag dito.
Ayon din sa isang report ng Occupational Safety and Health Center aniya, 90 porsyento ng mga Pilipinong manggagawa ay hindi maayos at ligtas ang lugar na pinagtratrabahuhan at sila ay nalalantad sa kung ano-anong mga panganib.
“Dito pa lamang kita na natin na kulang ang labor inspections ng DOLE at hindi lahat ng mga employer ay maaasahan na gawin ang tama, tumupad sa batas at pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga manggagawa,” ayon kay Tolentino.