Pagdinig sa mga anomalya sa PhilHealth, tinapos na ng mga komite sa Kamara

Tinapos na ng House Committee on Public Accounts at Committee on Good Government and Public Accountability ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa mga sinasabing anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth, araw ng Miyerkules, September 2.

Sa pagdinig, ibinulgar ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers na mayroong board resolution na inilabas ang PhilHealth para bayaran ang denied claims ng mga healthcare institution mula 2011 hanggang 2019.

Sabi ni Barbers, aabot ito ng P4 bilyon sa kabuuan at P600 milyon naman ang nakatakdang ibayad ng PhilHealth base sa resolusyon.

Pinatotohanan naman ito ni PhilHealth Corporate Secretary Atty. Jonathan Mangaoang kung saan dalawang buwan na ang nakakaraan nang aprubahan ang naturang board resolution at pinapipirmahan na sa mga miyembro.

Bunsod nito ay agad na pinasusumite ng Kamara sa PhilHealth ang naturang board resolution at umaasang mabigyan ng abiso ang bagong talagang PhilHealth President and CEO Dante Gierran tungkol dito.

Inaasahan namang matatapos na ng komite sa susunod na linggo ang committee report kaugnay sa kanilang imbestigasyon sa mga katiwalian sa state health insurer.

Read more...