Utos ni Pangulong Duterte sa bagong PNP chief, paigtingin ang war on drugs
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si bagong PNP chief Lt. General Camilo Cascolan na paigtingin pa ang war on drugs.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang utos kay Cascolan matapos italagang kapalit ng nagretirong si PNP chief Archie Gamboa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, inatasan din ng Pangulo si Cascolan na linisin ang hanay ng mga pulis.
Hindi maikakaila na kaliwa’t kanan pa rin ang katiwalaan at kalokohan sa mga pulis.
Utos pa ng pangulo kay Cascolan, gawing propesyunal ang PNP.
“Pero hayaan natin siyang bigyan ng pagkakataon na linisin ang hanay ng PNP, i-professionalize ang hanay ng PNP at isulong pa rin siyempe yung napaka-importanteng war on drugs maski kakaunti lang po ang panahong meron siya bilang PNP chief.. Yan ang bilin niya. professionalize the ranks, uphold the constitution and the rule of law, at syempro ipagpatuloy ang gains ng drug war,” pahayag ni Roque.
Pangako naman ni Cascolan, paiigtigin niya nang husto ang war on drugs.
Katunayan, sinabi ni Cascolan na target niya ngayon ang mga high-value target o ang mga malalaking isda na sangkot sa ilegal na droga.
Umaapela rin ang Palasyo sa publiko na bigyan na muna ng tsansa si Cascolan na magampanan ang kanyang trabaho.
“Tingin ko po meron naman talagang sapat na kakayahan si General Cascolan para pamunuan ang PNP at nagkataon lang talaga napakaaga ng (kanyang) retirement,” pahayag ni Roque
Magreretiro si Cascolan sa November 10.
Sa pinakahuling talaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), 5,722 drug suspects na ang napatay simula nang maupo sa puwesto si Pangulong Duterte noong July 2016.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.