Resulta ng imbestigasyon ng Senado sa anomalya sa PhilHealth, nirerespeto ng Palasyo
Nirerespeto ng Palasyo ng Malakanyang ang resulta ng imbestigasyon ng Senado kung saan pinasasampahan ng kasong kriminal sina Health Secretary Francisco Duque III at dating PhilHealth President Ricardo Morales dahil sa anomalya sa PhilHealth.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tungkulin ng Senado na mag-imbestiga.
“Pero pagdating dun sa pananagutan ng mga indibidwal dyan sa PhilHealth eh inaantay pa po ni Pangulong Duterte ang resulta ng imbestigasyon ng task force na binuo niya,” pahayag ni Roque.
Matatandaang inatasan ni Pangulong Duterte si Justice Secretary Menardo Guevarra na bumuo ng task force na mag-iimbestiga sa PhilHealth.
“Ang pagakakaiba ng Senado at saka ng task force niya, kasama po sa Senado lahat yung opisina na sangayon sa ating Saligang Batas ay meron talagang pananagutan o responsibilidad na bigyan ng accountability yung mga taong gobyerno, nandyan ang Ombdusman, nandiyan ang Civil Service Commission. Kaya po ang Presidente, dahil binuo naman niya ang task force, ay susundin niya ang rekomendasyon at sa ngayon po inaasahan na matatapos ang pormal na imbestigasyon, mga September 14,” pahayag ni Roque.
Umaasa aniya ang Pangulo na kapag natapos na ang imbestigasyon ng task force ay magkakaroon ito ng rekomendasyon kay Pangulong Duterte.
“Bagamat kapag ang rekomendasyon ay kasuhan ang ilang mga tao dahil nandyan na yung Ombudsman ay pupwede ng gumalaw ang Ombudsman,” pahayag ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.