Mga nagpa-swab sa Muntinlupa City ilalagay sa isolation facility
Kahit hindi pa lumalabas ang kanilang resulta, ilalagay na sa isolation facility ang mga sumailalim sa COVID-19 swab test na mga residente ng Muntinlupa City.
Ito ay base sa inaprubahang ordinansa ng sangguniang-panglungsod.
Ngunit nakasaad sa ordinansa na ang paglalagay sa isolation facility sa nagpa-swab ay gagawin kung walang kakayahan na mag-self isolation sa kanilang bahay ibig sabihin wala itong sariling kuwarto na may sariling palikuran at may kasamang ‘vulnerable’ sa bahay gaya ng senior citizen, may pre-existing conditions o buntis.
Ayon kay Mayor Jimmy Fresnedi ang paglalagay sa isolation facility ay para na rin hindi lumabas ng bahay at gumala-gala ang nagpa-swab.
Samantala, may mga hiwalay pang ordinansa na naaprubahan ang konseho ng lungsod.
– Ang pagtaas sa Salary Grade 15 ng salary grade ng entry level nurse mula sa Salary Grade 11 at ito ay pinaglaanan na ng P61 milyon.
– Ang daily reporting sa City Health Office ng lahat ng ospital, laboratory at diagnostic clinics ng kani-kanilang COVID 19 related cases
– Ang curfew time na alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
– At ang mga presyo ng crematorium services sa lungsod.
Kasabay nito, inaprubahan din ang ordinansa para sa pagbuo ng Task Force Maynilad na pag-aaralan ang utang ng Maynilad sa pamahalaang-lungsod, gayundin ang pamimigay ng P20,000 bawat isa sa 253 contractual employees ng pamahalaang-panglungsod na hindi na napalawig ang kontrata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.