Saku-sakong mga smuggled na bigas ang kinumpiska ng National Food Authority (NFA) at ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang inspeksyon sa mga supermarket sa Binondo, Maynila.
Nalaman ng Radyo Inquirer kay NFA Administrator Renan Dalisay na ang naturang operasyon ay bahagi ng araw-araw na massive inspection ng ahensya sa mga tindahan ng bigas matapos pumutok ang mga balitang nakapasok sa bansa ang pekeng bigas.
Ayon kay Dalisay, sa dalawang supermarket na kanilang pinuntahan sa Binondo, Maynila, saku-sakong Chinese rice ang lumabas na smuggled.
Ito ay dahil sa walang maipakitang permit mula sa NFA para sa pag-aangkat ng bigas sa China ang mga may-ari ng mga naturang supermarket.
Natuklasan din na ang Hua Chong Mart at Mandarin Supermaket sa Binondo ay pawang walang lisensya para magbenta ng bigas. Ang nasabing mga bigas na nasabat ng NFA ay ililipat sa BOC. Pag-aaralan din ng NFA at BOC ang mga isasampang kaso laban sa may-ari ng dalawang tindahan.
“Kasama sa efforts natin kaya tayo nag-iikot, at tinitingnan natin kung meron bang sinasabing fake rice. Sa aming mga market inspection wala pa talaga tayong nakikitang fake rice, negative, except yung galing sa Davao na sample na pinadala sa Food Development Center,” sinabi ni Dalisay.
Samantala, umayon si Customs Deputy Commissioner Ariel Nepomuceno na ang mga Chinese Rice na kanilang nasabat sa dalawang nabanggit na tindahan ay maituturing na puslit at hindi ligtas para sa mga mamimili.
Sinabi ni Nepomuceno na dahil hindi dumaan sa pagsusuri ng NFA ang nasabing mga bigas, ay hindi siguradong ligtas itong kainin. “Wala ibinigay na permit ang NFA para sa importation ng bigas galing China, dahil dito, kapag may ibinebenta na bigas galing China ang assumption ay puslit ito. Ang problema d’yan hindi sila nagbayad ng tax dahil puslit nga, ang quality niyan ay hindi nasuri ng NFA at kung totoo nga na may fake rice, delikado ang mga ganitong puslit na bigas dahil hindi ito nasuri kung ligtas ito for human consumption,” sinabi ni Nepomuceno.
Sa mga susunod na araw ay ipagpapatuloy ng NFA at BOC ang joint inspection sa mga supermarket na nagtitinda ng bigas./ Ruel Perez
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.