Pakikipag-ugnayan kay Garci, itinanggi ni VP Binay
Mariing pinabulaanan ni Vice President Jejomar Binay ang akusasyon na nakikipag-ugnayan siya kay dating Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Virgilio Garcillano na nasabit sa kontrobersya ng umano’y pandaraya noong 2004 elections.
Iginiit ni Binay na hindi nga sila nagkita o nagkausap ni Garcillano.
Aniya, pawang mga kasinungalingan ang mga lumalabas na alegasyon na kinuha niyang consultant si Garcillano, at sinabing baka Malacañang ang humingi ng tulong sa dating commissioner. “Hinding hindi ko po nakita. Hinding hindi ko po nakausap. Baka po sila, pinatatawag po nila sa Malacañang,” ani Binay.
Dagdag pa niya, “Hindi ko pa nga nakikita. Paano masasabi, hindi ko nga nakakausap? Mga kasinungalingan talaga ’yan. Kasi wala na, talo na ’yang mga ’yan, kaya kung ano-ano ang sinasabi.”
Huling namataan ang dating COMELEC commissioner sa lobby ng Seda Hotel sa Cagayan de Oro kung saan tumuloy sina Binay at Sen. Grace Poe bago ang presidential debates noong February 21.
Una nang inakusahan ni Daang Matuwid coalition spokesman Barry Gutierrez si Binay na nagpapatulong kay Garcillano para manalo sa halalan.
Itinanggi rin ito ni Poe, habang si Sen. Serge Osmeña naman ay nag-sabing posibleng nagta-trabaho si Garcillano para sa isang presidential at isang vice presidential candidates.
Matatandaang nasangkot si Garcillano sa “Hello Garci” scandal dahil sa wiretapped na pag-uusap nila ni dating kandidato pa lang sa pagka-pangulo na si Gloria Macapagal-Arroyo, tungkol sa pandaraya sa halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.