Hirit na performance bonus ng SSS at iba pang ahensya, binatikos sa Kamara

By Isa Avendaño-Umali March 04, 2016 - 04:20 AM

sss_logo_0Kinondena ni BayanMuna Partylist Rep. Neri Colmenares ang hirit na “performance bonus” ng 32 ahensya ng gobyerno sa Governance Commission for GOCC’s kabilang na ang Social Security System o SSS.

Sa naunang pagmamalaki ng SSS, mas maayos na umano ang sistema nila ng pagkolekta ng kontribusyon kumpara noong 2010.

Sinabi ni SSS President at CEO Emilio De Quiros, 35 billion pesos na kada taon ang kinikita nila mula sa 8 billion pesos noong 2010 habang kabuuang 445 billion pesos ang pondo nila ngayon kung kaya’t nararapat umano ang pagbibigay ng performance bonus.

Hindi naman kumbinsido rito si Colmenares, dahil bukod aniya sa 38 percent lamang na collection rate, at umaabot sa 325 billion pesos ang hindi nako-kolekta, ay napakabagal pa ng kanilang serbisyo sa mga miyembro.

Ayon kay Colmenares, milyon-milyong piso na naman ang hinihingi ng ahensya bilang performance bonus gayong hindi naaprubahan ang isinusulong na 2,000 pesos na dagdag-pensyon sa mga miyembro nito.

Kaya giit niya, bago humiling ng bonus ang SSS, isaalang-alang muna nito ang mga miyembro na nangangailangan ng mas mataas na pensyon upang maka-agapay sa pamumuhay.

Matatandang na-veto ni Pangulong Noynoy Aquino ang 2,000 pesos SSS pension hike bill sa katwirang baka raw mabangkarote ang ahensya.

Samantala, pinaaaksyunan na rin ng Makabayan bloc sa Liderato ng Kamara ang House Resolution 369 na nagpapaimbestiga sa milyon-milyong piso perks at bonuses ng mga opisyal ng SSS.

Ayon kay Colmenares, taong 2013 pa naihain ang resolusyon, subalit patuloy na naka-tengga ang pagsiyasat sa 10 million pesos na performance based bonus na ibinibigay sa SSS board of Directors, na inaprubahan ng Government Commission on GOCCs (Government-Owned and Controlled Corporations) o GCG.

Ibinatay daw ang halaga sa magandang performance ng ahensya noong 2012.

Gusto rin ungkatin ng Makabayan Bloc ang 200 million pesos na retirement benefits ng SSS executives noong 2010, bukod pa sa umano’y overcharging sa loans ng SSS memebers na bagama’t bilyones, bigo namang mai-reimburse.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.