Tax exemptions sa PWDs pirma na lang ng Pangulo ang kulang

PWDs
Inquirer file photo

Naghihintay na lamang ng pirma ni Pangulong Noynoy Aquino ang panukalang maglilibre sa Persons With Disabilities o PWDs sa pagbabayad ng 12 percent value added tax o VAT sa mga bilihin at serbisyo.

Ito’y matapos mai-transmit na sa Malakanyang ang panukala, dalawa at kalahating buwan makalipas maratipikahan ng Kongreso.

Kinumpirma ni House Secretary General Marilyn Barua Yap na naipadala na ng Records Management Service ng Kamara sa Palasyo ang PWD bill.

Sinabi ni Yap na nakiusap din ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang PWD groups kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na i-transmit na ang panukala dahil hanggang Hunyo na lamang ang 16th Congress.

Kapag napirmahan ng PNoy, exempted na sa VAT ang mga PWD bukod pa sa 20 percent discount na ibinibigay na sa kanila.

Umaasa naman si Leyte Rep. at Senatoriable Martin Romualdez, ang may akda ng panukala, na pipirmahan ito ng Pangulo para maging ganap na batas at hindi matutulad sa 2,000 pesos na dagdag-pensyon sa SSS pensioners na na-veto ng Presidente.

Sinabi ni Romualdez na malaking tulong ang VAT exemption lalo na sa pagbili ng gamot at pagpapagamot ng mga PWD.

Read more...