Edgel Durolfo inilibing na

By Den Macaranas March 03, 2016 - 07:40 PM

Solaire
FB page

Inilibing na si Edgel Joy Durolfo, ang 25-anyos na assistant manager sa isang hotel sa Paranaque City.

Pasado alas-dos ng hapon kanina nang ihatid sa kanyang huling hantungan ang mga labi ni Durolfo sa Heaven’s Gate Garden sa Antipolo City.

Noong nakaraang Biyernes ay namatay ang biktima dahil sa asphyxia by manual strangulation o sakal base na rin sa resulta ng isinagawang otopsiya sa kanyang bangkay.

Nauna dito ay isinugod sa San Juan De Dios Hospital ang biktima makaraan itong dumaing ng hirap sa paghinga.

Pero napansin kaagad ng mga duktor sa ospital ang mga pasa at sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan ng biktima na assistant manager sa VIP Premium Service ng Solaire Resort and Casino.

Sa pahayag ng kanyang boyfriend na si Rodney Ynchausti, nagkaroon umano sila ng party sa isa sa mga silid sa nasabing hotel kasama ang mga kaibigang sina Molo Hwang, Josiebell Lim Uy at Paulo Egoc.

Inamin din ni Ynchausti na gumamit sila ng  biktima ng ecstasy at makaraan lamang ang ilang sandali ay dumaing na ito ng hirap sa paghinga.

 

Dinalo umano nila si Durolfo sa clinic ng hotel pero kaagad silang inutusan na dalhin sa ospital ang biktima dahil halos wala na itong malay noong mga oras na iyun.

 

Sa libing ni Durolfo kanina ay hindi nagpakita ang kanyang boyfriend.

 

Kinumpirma naman ng mga kaanak ng biktima na naghain na sila ng kaukulang kaso laban kina Ynchausti, Hwang, Lim Uy at Egoc sa Parañaque Prosecutors’ Office.

TAGS: Dorolfo, Paranaque, Solaire, Ynchausti, Dorolfo, Paranaque, Solaire, Ynchausti

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.