Patay sa civil war sa South Sudan umabot na sa 50,000
Umabot na sa halos ay 50,000 katao ang napatay sa nagpapatuloy na gulo sa South Sudan na nagsimula noong 2013.
Sa ulat na inilabas ng United Nations (UN) Security Council, isinisisi ang nagaganap na kaguluhan sa pagitan ng dalawang paksyon ng mga lider sa nasabing bansa.
Ang grupo ng Dinka ay kontrolado ni South Sudan President Salva Kiir samantalang ang karibal na grupong Nuer ay pawang mga tagasunod naman ni Vice-President Rick Machar.
Sinasabing nagsimula ang civil war nang kumalas sa administrasyon si Machar at nagtangkang pataubin ang pamahalaan ni Kiir.
Sa nakalipas na mga taon ay nagpatuloy ang kaguluhan kung saan karamihan sa mga namatay ay pawang mga bata at kababaihan.
Pumasok na sa eksena ang United Nations kung saan ay kasalukuyan nilang tinutulungan ang halos ay 200,000 na mga refugees.
Bagama’t nagsimula na ang negosasyon sa pagitan ni Kiir at Machar ay nananatili naman ang bakbakan sa pagitan ng kani-kanilang mga tauhan.
Sinabi ni U.S Secretary of State John Kerry na posibleng sampahan ng kaso sina Kiir at Machar dahil sa war crimes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.