Layunin ng sistema na mapagaan ang pampublikong transaksiyon sa pamamagitan ng on-site One-Stop-Shop Building Permit Application, at magbigay ng sentralisadong database para sa mga files ng OCE/Building Official.
Kailangan lamang ng aplikante na i-download ang application forms gamit ang isang default camera o third-party application, i-scan ang QR Code o bisitahin ang link sa pamamagitan ng web browser na https://bit.ly/lpengineeringforms.
Binigyang-diin ni City Engineer Rosabella A. Bantog na buo ang suporta nina Mayor Imelda T. Aguilar at Vice Mayor April Aguilar-Neri sa paglipat sa digital na magpapagaan sa ebolusyon o pagbabago sa pagpoproseso ng aplikasyon ng building permit na nakabatay sa guidelines na itinakda ng Anti-Red Tape Law.
“Ang online application ay magreresulta ng kakaunting harap-harapang transaksiyon o minimal face-to-face transaction bilang pagsunod sa COVID-19 health protocol at gayundin magiging mababa ang tsansa o oportunidad para sa korapsyon,” pahayag ni Engr. Bantog.
Nang lumuwag ang estado ng COVID-19 quarantine sa Metro Manila noong Hulyo,inisyal na nagpatupad ang OCE ng digital processing application para sa Certified Final Electrical Inspection (CFEI) pagkatapos ng kasunduan sa Meralco.
Ang CFEI ay requirement para sa koneksiyon ng kuryente sa residential, commercial o business establishment, health and hospital facilities, at mga paaralan.