Binawasang budget para sa sektor ng agrikultura sa taong 2021 nakababahala ayon kay Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat
Lubhang nakababahala ang pagbaba ng budget na ilalaan para sa Department of Agriculture para sa susunod na taong 2021.
Ayon kay Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat, hindi dapat binabaan ng Department of Budget and Management (DBM) ang budget para sa sektor agrikultura.
Ito ay lalo pa ngayong panahong palubog ang ekonomiya, maraming nawalan at patuloy na nawawalan ng trabaho, at milyun-milyon ang nagugutom na mga Filipino.
Malinaw naman ayon kay Cabatbat sa SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saa tiniyak nito ang sapat, accessible, at abot-kayang pagkain para sa bawat pamilyang Filipino.
Binanggit din aniya ng pangulo ang pagbibigay-pansin sa food security aspect upang tunay na maiayos muli ang kalagayan ng bansa.
“Una, dahil magkakaugnay ang sikmura, ang kalusugan, at ang eknomiya – mas madaling dapuan ng karamdaman ang mga walang sapat na nutrisyon at resistensiya, at lubhang hindi makakapagtrabaho ang mga gutom, may sakit, at mahihina,” ani Cabatbat.
Sinabi din ni Cabatbat na ang pagbawas sa pondo para sa Agriculture sector ay taliwas sa pahayag ng pangulo na pagkakaroon ng “Plant, Plant, Plant” program.
Kasabay nito nanawagan si Cabatbat sa mga kapwa niya mambabatas at sa administrasyon na ayusin at bigyan ng mas mataas na alokasyon sa national budget ang hanay ng mga magsasaka.
“Seguridad sa pagkain, pagsasaka, at pangingisda ang dapat ma-prayoritisa dahil nakasalalay ang pagbangon ng bayan mula sa pandemya sa pagsisiguro ng gobyerno na hindi nito hahayaang magutom ang mga Pilipino,” dagdag ng mambabatas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.