‘Kahit hibla lang ng ebidensya, sibakan na! – Sec. Duque
Pabor si Health Secretary Francisco Duque III na mabusisi sa pagdinig sa Senado ang kanyang public service record.
Aniya, kung may madiskubre na kahit hibla lang ng ebidensiya na makakapagsabi ng kaugnayan niya sa mga sinasabing anomalya sa PhilHealth, handa siyang maalis sa puwesto.
“I welcome the Senate inquiry as a way of clearing my name. My public service record is an open book,” aniya at dagdag pa nito, “If there is a single thread of conclusive evidence of my involvement on any and all issues, then let the axe fall.”
Mariin niyang itinanggi ang sinabi ni resigned PhilHealth anti-fraud officer Thorsson Montes Keith na siya ang ‘godfather’ ng sindikato sa loob ng ahensiya.
Tinawag niya na ‘polluted source’ si Keith at aniya, labis na nasasaktan ang kanyang pamilya sa pagkaladkad sa kanya sa mga sinasabing anomalya sa paggamit ng pondo ng ahensiya.
Kasabay nito, pinasalamatan pa niya sina Pangulong Duterte at Justice Secretary Menardo Guevarra sa pagpupursige na maimbestigahan ang mga anomalya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.