Meralco pinatawan ng P19-M multa ng ERC dahil sa bill shock

Pinatawan ng P19 milyong multa ng Energy Regulatory Commission ang Manila Electric Company o Meralco dahil sa “bill shock” incident.

Sa desisyon ng ERC, sinabi nito na nilabag ng Meralco ang advisory na inilabas ng regulatory body habang nasa community quarantine ang bansa noong Marso hanggang Hunyo.

Sabi ng ERC, nabigo ang power distribution giant na ilagay ng malinaw na estimated lamang ang bill na ipinadala sa mga customer bukod pa sa bigo rin ito na sumunod sa mandato na installment payment arrangement.

Ayon kay ERC Chairperson at CEO Agnes Devanadera, nagdulot ng kaguluhan at pagkalito mula sa consumers ang hindi pagbibigay ng tamang impormasyon ng Meralco habang nasa gitna ng pandemya ang bansa.

Paliwanag ni Devanadera, “ The Commission issued the relevant Advisories with the intention of alleviating the financial burden of the electricity consumers who were mostly adversely affected by the community quarantine measures implemented by the government. This serious neglect by MERALCO resulted to a multitude of complaints filed by its consumers to this Commission.”

Ang paglabag ng Meralco, ayon sa ERC, ay nagresulta ng sandamakmak na reklamo na inihain ng mga consumer nito.

Ikinonsidera ng ERC sa kanilang desisyon ang mga sumusunod:
1) Billing Statements mula sa mga consumer complaints;
2) Billing Statements from its employees;
3) Billing Statements na ipinadala sa tanggapan ni Senator Sherwin T. Gatchalian; at
4) Billing Statements na ipinadala sa kanila ng National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. (NASECORE).

Sabi ng regulatory body, kabuaang 190 na araw ang naging paglabag ng Meralco.

Ipinag-utos din ng ERC sa Meralco na gawing zero ang Distribution, Supply, and Metering (DSM) charges ng lifeline consumers na may buwanang konsumo na hindi hihigit sa 100 kWh sa loob ng isang buwan na epektibo sa susunod na bill.

Hindi naman maaaring ipasa ng Meralco sa mga non-lifeline consumer ang discount na ibibibgay sa mga lifeline na tinatayang aabot sa mahigit P200 milyon.

Pinagsusumite rin ng ERC ang Meralco ng Compliance Report sa loob ng 15 araw matapos ang kanilang pagpapatupad kung saan nakasaad kung ilan ang kabuuang consumer na nakinabang at magkano ang total discount na naibigay.

Read more...