Tuguegarao City sa Cagayan isinailalim sa MECQ
Isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Tuguegarao City sa Cagayan.
Ito ay bunsod ng patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa nasabing lungsod.
Sa naging pagpupulong ng Regional Inter-Agency Task Force on COVID-19, napagedesisyunan na isailalim ang Tuguegarao City sa MECQ.
Nagsimula ang pag-iral ng MECQ alas 12:01 ng madaling araw kanina (Aug. 26) at tatagal hanggang alas 11:59 ng gabi ng September 4, 2020.
Sa ilalim ng pag-iral ng MECQ bawal ang pagbiyahe ng public transportation kabilang na ang tricycle, kalesa, at pampasaherong van.
Pinayagan naman ni City Mayor Jefferson Soriano ang pag-aangkas para sa mga pamilya na nakatira sa isang bahay lamang ngunit kailangan mag-presenta ng Barangay Certification.
Bawal na muli ang dine-in sa mga restaurants.
Pinahihintulutan pa rin ang pag-biyahe kahit walang travelpass kung manggagaling sa karatig bayan patungong Tuguegarao City maliban sa mga galing ng Enrile.
Para sa mga manggagaling naman sa ibang probinsya, inaabisuhan ang mga biyahero na mag-presenta ng travel pass at health declaration mula sa LGU.
Ang Tuguegarao ay mayroong 25 aktibong kaso ng COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.