P4.506-T 2021 National Expenditure Program, naisumite na sa Kamara

Naisumite na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P4.506-trillion 2021 National Expenditure Program (NEP).

Personal na tinanggap ni House Speaker Alan Peter Cayetano at mga miyembro ng Kamara mula kay Budget Sec. Wendel Avisado ang NEP.

Ayon kay Avisado, 9.9 percent na mas mataas ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon kumpara sa General Appropriations Act (GAA) sa taong 2020 dahil na rin sa COVID-19 pandemic.

Itinaas aniya ang panukalang pamabansang pondo sa 2021 dahil layon nitong ma-sustain ang efforts ng pamahalaan sa pagtugon sa epekto ng pandemya.

Hangad aniya nilang mapagpabuti ang healthcare system, matiyak ang food security, magkaroon ng labor intensive projects, maayos ang digital economy at matulungan ang mga komunidad na makabangon at mamuhay sa gitna ng COVID-19 health crisis.

Ito ay dahil ang tema aniya nila para sa 2021 proposed national budget ay: “Reset, Rebound, and Recovery.”

Nananatili pa ring top agency na may pinakamalaking panukalang pondo para sa susunod na taon ang Department of Education, ayon kay Avisado.

Ito ay para matiyak na walang aberya sa hanay ng edukasyon kahit pa mayroong pandemya.

Makakatanggap din ng malaking pondo ang “Build, Build, Build” program para mapalakas pa lalo ang infrastructure development, na inaasahan na makakapagbigay ng maraming trabaho lalo na’t libu-libo ang displaced workers.

Bukod dito, prayoridad din sa 2021 NEP ang mga programa para sa agriculture at fisheries sector, recovery ng micro, small and medium enterprises, at online o IT system sa bansa.

Read more...