Binisita ng mga tauhan ng konsulada ng Pilipinas sa Macau ang mga miyembro ng Filipino Community doon matapos ang pananalasa ng Category 10 Typhoon Higos.
Nagtalaga ng dalawang composite teams ang consulate office para alamin ang sitwasyon ng mga Pinoy.
Ang dalawang team ay kinabibilangan ng mga opisyal mula sa konsulada, at Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) sa Macau SAR.
Labinganim na Macau SAR-designated shelter areas ang napuntahan ng mga opisyal.
Ayon kay Philippine Consul General to Macau SAR Lilybeth R. Deapera ligtas naman ang lahat ng mga Pinoy na nasa mga temporary shelters matapos ang pananalasa ng bagyo.
Tiniyak din ng mga lider ng Filipino Community organizations na lahat ng Pinoy sa Macau ay maayos ang kondisyon.