Subic gym, inalok ng SBMA bilang isolation para sa SBITC workers na positibo sa COVID-19
Inalok ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang kanilang community isolation facility sa Subic gymnasium para sa isolation ng mga nagtatrabaho sa Subic container terminal na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay SBMA Chairman at Administrator Wilma Eisma, inihayag niya ito sa isang pulong, araw ng Miyerkules, kasama ang ilang opisyal ng Department of Health (DOH), World Health Organization (WHO), at Subic Bay International Terminal Corporation (SBITC).
Layon aniya nitong malabanan ang health crisis sa Subic container port kung saan 29 manggagawa na ang positibo sa nakakahawang sakit.
“In this situation where we have a rising number of Covid-19 cases among workers in one area at the Freeport, it would be best to quarantine the infected workers in a proper isolation facility, rather than send them home to self-quarantine,” pahayag ni Eisma.
“This is a situation that could blow bigger, but by isolating those who tested positive, we can help arrest local transmission. Otherwise, the contagion would spread and may get out of hand. We don’t want that to happen,” dagdag pa nito.
Nitong nagdaang weekend, ipinag-utos ng SBMA sa SBITC na isailalim sa pagsusuri sa pamamagitan ng reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) ang lahat ng empleyado bilang maiwasan ang tigil-operasyon.
Tiniyak naman ni SBITC President Roberto Locsin na lahat ng empleyado ay sasailalim sa RT-PCR test.
Kabilang dito ang 238 shift workers, port users, security personnel, canteen staff, at maging ang SBMA checkers.
Sinabi pa ni Eisma na inihanda na nila ang Subic gym noon pang Abril sakaling magkaroon ng mga kaso ng COVID-19 sa lugar.
Naging DOH-certified community isolation unit for COVID-19 cases ang nasabing pasilidad noong July 29, 2020.
Maliban sa Subic gym, inayos na rin ng SBMA ang Leciel Hotel building bilang karagdagang isolation facility na may 81 rooms.
Sa ngayon, hinihintay pa ang DOH accreditation ng anim na palapag na gusali.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.