Mobile devices, dapat gamitin para patunayang buhay pa ang mga pensyonado ng GSIS at SSS
Pinagagamit ni Quezon City Rep. Precious Castelo sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) ng internet o anumang mobile communication devices upang maabot ang mga pensioner.
Ayon kay Castelo, bagamat naiintindihan niya na ang requirement na personal na magpunta sa tanggapan ng GSIS o SSS ay para maiwasan ang pagbabayad ng pensyon sa mga pumanaw na miyembro, iginiit niya na hindi ligtas para sa mga matatanda ang paglabas ng tahanan sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Maaari aniyang pansamantalang gumamit muna ang GSIS at SSS ng internet o anumang communication devices upang makausap at ma-verify ang mga pensioner.
Iminungkahi ng lady solon na maaaring i-video call ng agents ng GSIS o SSS o hingian ng larawan katabi ng latest na dyaryo ang isang pensioner bilang patunay na sila ay buhay pa.
Dagdag ng kongresista, ito aniya ang ginagawa madalas kay Pangulong Rodrigo Duterte lalo na kung binubusisi ng publiko kung nasaan ang Pangulo.
Ang mungkahi ng kongresista ay kauganay ng requirement na ‘proof of life’ rule para sa mga pensioner ng GSIS at SSS kung saan kinakailangang magtungo sa mismong araw ng kaarawan ang isang retiree sa pinakamalapit na opisina upang patunayan na siya/sila ay buhay pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.