2 dagdag na cluster dorm sa Quezon Memorial Circle, nai-turnover na ng DPWH
Pormal nang nai-turnover na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Quezon City government ang dalawang karagdagang cluster dormitories loob ng Quezon Memorial Circle (QMC), araw ng Huwebes (August 20).
Ito ang magsisilbing pansamantalang tutuluyan ng mga medical personnel.
Tiniyak ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na ligtas ang Clusters 5 at 6 ‘We Heal As One’ Off-Site Dormitory para sa healthcare workers.
Itinayo ang nasabing pasilidad ng DPWH Task Force to Facilitate Augmentation of National and Local Health Facilities.
Nai-turnover ang pasilidad sa QC LGU matapos magsagawa ng inspeksyon sina National Action Plan Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. kasama si DPWH Undersecretary Emil Sadain, at Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Ani Sadain, pinuno ng DPWH Task Force, kayang mag-accommodate ng cluster dormitories ng 64 medical doctors at staff.
Dagdag ito sa apat na dormitoryo na may 128 kataong kapasidad na nai-turnover ng DPWH noong July 7.
Ang bawat cluster dormitory ay may 16 air-conditioned rooms na may nakahandang double-decker beds, toilet at paliguan na may heater.
Mayroon din itong sala na may TV at sofa, common dining at hiwalay na lugar para sa paglalaba at lutuan na may nakahandang mga gamit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.