Pag-angkin ng isang hair care product na probinsya ng China ang Pilipinas, kalokohan – Palasyo

Kalokohan ang pag-angkin ng isang hair care beauty product na probinsya ng China ang Pilipinas.

Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, hindi na dapat pinapansin ang pakulo ng beauty product na ito.

“Sa akin kalokohan po yan. Hindi po dapat pinapansin yan dahilw ala namang naniniwala na tayo’y probinsya ng Tsina. Alam naman natin na lahat ng Pilipino ay nagmamahal sa bansa. We are proud to be Filipinos and we will never allow to be subjugated by any foreign body,” pahayag ni Roque.

Kumakalat sa Binondo, Maynila ang hair care beauty product na Ashley Shine Kerstin Treatment Deep Repair kung saan nakalagay sa packaging ang address na “1st Flr. 707 Ito Cristo St., San Nicolas, Manila Province, People’s Republic of China.”

Ipinauubaya na rin ng Palasyo sa Food and Drug Administration (FDA) ang pagpapasya kung tuluyang gagawing blacklisted sa merkado ang hair care product.

“Sa tingin ko po ang FDA po ang magdedesisyon diyan dahil merong criterias for blacklisting. i think one of those is kung merong banta sa kalusugan ng mga gagamit nito. So let’s allow the FDA to exercise its exclusive jurisdiction pagdating sa bagay na ito,” pahayag ni Roque.

Matatandaang noong 2018, may mga nagkalat na rin na tarpaulin sa Metro Manila kung saan nagsasabing “Welcome to the Philippines, Province of China.”

Binabatikos ng mga kritiko si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa malamyang pagtugon sa sagalot ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

Read more...