Bayanihan 2 nabibitin sa ‘patigasan’ ng senado at kamara sa P10B Tourism Budget

Kapwa matigas ang Senado at Kamara sa paggagamitan ng P10 bilyon na kasama sa P162 bilyon pondo para sa Bayanihan to Recover as One Act o ang Bayanihan 2.

Sinabi ni Senate Minority Leader Frank Drilon na sa bersyon nila sa Senado ng panukala, ang P10 bilyon ay para sa tourism enterprise para matulungan na makabangon ang mga negosyo na may kinalaman sa turismo.

Ibinahagi ni Drilon na ipinagpipilitan naman ng mga taga-Kamara na gamitin ang P10 bilyon sa mga infrastructure projects.

Aniya ang isyung ito ang isa sa apat na kailangan pang plantsahin ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa pagpapatuloy ng bicam meeting ngayon araw.

Ayon pa kay Drilon nagkasundo ang lahat ng senador at iginiit din ni Senate President Vicente Sotto III na ang P10 bilyon ay para sa mga tourism enterprises at hindi sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA.

Dagdag pa nito, pumayag na ang mga senador na P1 bilyon sa P10 bilyon ang ilagay sa TIEZA ngunit nagmatigas ang mga taga-Kamara na ang buong halaga ang dapat gamitin sa infra projects. (Jan Escosio/RadyoINQUIRER)

 

 

Read more...