Pagbibigay benepisyo sa PhilHealth mas mapabubuti na ngayon ayon sa Malakanyang
Kumpiyansa ang Palasyo ng Malakanyang na mas mapabubuti na ngayon ang pagbibigay benepisyo sa mga miyembro ng PhilHealth matapos magpalabas ng anim na buwang suspension order ang Office of the Ombudsman laban sa labing tatlong opisyal.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay dahil sa hindi na mapupunta sa korapsyon ang pondo ng PhilHealth.
Tiyak aniyang mapupunta na sa kaban ng PhilHeath ang pondo at hindi na bulsa ng mga tiwaling opisyal.
Ayon kay Roque, marami pa naman ang matitino sa PhilHealth maliban sa iilang mafia na tinatawag.
May pag-asa na rin aniya na maayos na maipatutupad ang Universal Health Care na una na niyang isinulong noong siya ay kongresista pa.
“Well, marami naman pong mga matitino po talaga tayong mga kasama diyan sa PhilHealth. Karamihan po sa kanila matitino ‘no, mayroon lang talagang mga “mafia” nga na tinatawag. At tingin ko naman po ngayong mayroon ng ganiyang suspension eh mas makakausad na nga po, mas makakabigay ng benepisyo ang PhilHealth sa nakakarami dahil mapupunta na po sa mga miyembro at taumbayan ang kaban ng PhilHealth,” ayon kay Roque.
Ilan sa mga kontrobersiya na bumabalot ngayon sa PhilHealth ang overpriced na pagbili ng IT equipment, kwestyunableng pagri-release ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM); at manipulasykn sa financial status.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.