Selda, naiwang bukas ng jail guard sa Biñan Laguna, 8 preso, nakatakas

Binan LagunaNagsasagawa na ng manhunt operation ang mga otoridad matapos ang naganap na jailbreak sa Biñan City Police Detention Cell sa Biñan City, Laguna.

Ayon sa ulat mula kay Biñan City Police Office Chief of Police, Supt, Jun Petalio, walong preso ang pumuga sa nasabing piitan pero kaagad ding nadakip ang anim sa mga ito.

Kabilang sa pinaghahanap pa ngayon sina Anthony Damaso alyas Toots, 35-anyos at residente ng Graceland, Barangay San Francisco, Biñan City na may kasong illegal drugs at Jonan Desuado alyas Joan ng Balimbing St, Barangay San Antonio, Biñan na may kaso namang robberry.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na isang inmate ang tumawag sa atensyon ng naka-duty na jail officer na si PO1 Gilbert Florentino dahil sa isang kasamahan nito ang nahihirapan umanong huminga.

Dahil dito, binuksan ni Florentino ang selda para dalhin sa ospital ang maysakit ng preso.

Gayunman, naiwan ni Florentino ang selda nang hindi naka-padlock.

Nagmamadali naman itong bumalik matapos maalalang hindi niya naisara ang selda, pero wala na ang walong preso nang siya ay bumalik.

Sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Biñan PNP, naaresto agad ang anim, at patuloy pang hinahagilap ang dalawa.

 

Read more...