LPA, Habagat patuloy na magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa

Photo grab from DOST PAGASA website

Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang dalawang weather system sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon kay PAGASA weather specialist Chris Perez, isa na rito ang low pressure area (LPA) na huling namataan sa layong 255 kilometers Silangan Hilagang-Silangan ng Borongan, Eastern Samar bandang 3:00 ng hapon.

Mahina aniya ang tsansa na maging bagyo ang LPA sa susunod na 24 oras.

Ngunit, asahan aniyang magdudulot ang sama ng panahon ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.

Partikular na maaapektuhan nito ang Catanduanes at parte ng Eastern Visayas.

Dahil dito, pinag-iingat ang mga residente sa mga nabanggit na lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa.

Samantala, sinabi ni Perez na umiiral pa rin ang Southwest Monsoon o Habagat sa Kanlurang bahagi ng bansa.

Bunsod nito, sa Huwebes ng gabi (August 19), makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan sa maraming lugar sa Visayas, Zamboanga Peninsula, at Southern Luzon kabilang ang Metro Manila.

Read more...