‘Mummified’ na mandaragat, natagpuan sa lumulutang na yate sa Surigao

By Jay Dones March 02, 2016 - 04:29 AM

 

Mula sa FB/Barobo police

Umaani ngayon ng matinding interes at misteryo sa mga netizens ang pagkakadiskubre ng isang yate na pinaniniwalaang matagal nang palutang-lutang sa karagatan at nadiskubre lamang nitong nakaraang linggo sa karagatang sakop ng bayan ng Barobo, Surigao del Sur.

Ito’y dahil nang madiskubre ang naturang yate, natagpuan sa loob nito ang labi ng isang dayuhan na mistulang na-preserve o na-‘mummify’.

Sa mga larawang ipinaskil ng Barobo police sa Facebook, makikita ang labi ng biktimang pinaniniwalang si Manfred Fritz Bajorat, 59 taong gulang, isang German na nakaupo at tila natutulog lamang katabi ang radyo ng kanyang yate.

Mistula itong napreserba o na-mummify sa kanyang pagkakaupo katabi ang kanyang radyo.

Lalo lamang nakadagdag sa misteryo ang impormasyon na taong 2009 pa nang huling makausap ito ng kanyang mga kaibigan at kamag-anak.

Gayunman, ilan umano sa kaibigan nito ang nagsabing huli nilang naka-usap ang biktimang German noong nakaraang taon.

Una rito, namataan ng mga mangingisda ang yate ni Bajorat na may pangalang ‘Sayo ‘ na palutang-lutang may 62 kilometro ang layo sa baybayin ng Barobo.

Dahil sira ang layag at halos lumubog na sa tubig, nagpasya ang mga mangingisda na pasukin ang barko at alamin kung may nangangailangan ng tulong sa loob nito.

Nagulat na lamang ang mga mangingisda nang makita ang bangkay ng biktima na nakaupo at nakatalungko sa mesa sa radio room. Dahil dito, nagpasya ang mga mangingisda na ipagbigay-alam sa mga otoridad ang kanilang natagpuan at hilahin ang yate sa baybayin.

Ayon sa ilang mga eksperto, posibleng ang hangin na mula sa dagat at mainit na panahon ang nagdulot ng mistulang ‘mummification ng biktimang si Bajorat.

Sa kasalukuyan, nakipag-ugnayan na ang Bureau of Immigration sa pamilya ng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon, wala namang nakikitang foul play sa pagkamatay ng biktima.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.