2 suspek sa tangkang pambobomba sa Sultan Kudarat, arestado

 

Timbog ang dalawang suspek na hinihinalang nagtanim ng malalakas na improvised explosive device sa Isulan, Sultan Kudarat na nagawang maagapan ng mga otoridad bago tuluyang sumabog.

Ayon sa hepe ng Isulan police na si Supt. Joefel Siason, ang dalawang naarestong mga kalalakihan ay sila ring mga nakasakay sa isang motorsiklo na nag-iwan ng isang trolley bag sa tabi ng kalsada doon pasado alas-6 ng umaga ng Martes.

Ilang sandali bago mag-simula ang parada para sa umpisa ng fire prevention month, isang bomba na gawa sa 105-milimiter howitzer shells na may kasamang cell phones bilang detonating devices ang na-rekober sa tabing-daan.

Ani Siason, iniwan ang bombang may bigat na apat na kilo at siksik sa mga pako at metal sheets, 15 metro ang layo sa unahan ng parada.

Nakita nila ang mga suspek na iniwan ang bag at dali-daling umalis, ngunit dahil natumba ang bag, binalikan ito ng isa sa kanila para ayusin at muling umalis.

Dito na nila pinaghinalaan na baka bomba ang laman nito.

Ayon naman kay Isulan Mayor Diosdado Pallasigue na kasama sa parada, sa lakas ng bombang ito kaya nitong pumatay ng mahigit sa 30 katao na nasa loob ng 15-meter radius.

Naniniwala si Pallasigue na bilang kasama siya at ibang mga lokal na opisyal sa parada, maaring para sa kanila ang bombang iyon.

Si Pallasigue na tumatakbong gobernador ng Sultan Kudarat, ay umaming nakakatanggap siya ng mga banta sa kaniyang buhay, at may nag-sabi pa aniya sa kaniya na itutumba na siya bago pa man sumapit ang halalan.

Dahil dito, nag-lagay na ng mga karagdagang checkpoints ang mga pulis para inspeksyunin ang mga pampublikong sasakyan na nagla-labas pasok sa kanilang integrated bus terminal.

Read more...