Operasyon ng Cataingan Port, pansamantalang itinigil matapos ang malakas na lindol sa Masbate
Pansamantalang itinigil ang operasyon ng Cataingan Port sa Masbate, araw ng Martes.
Ito ay kasunod ng tumamang magnitude 6.6 na lindol sa nasabing lugar bandang 8:03 ng umaga.
Base sa ibinahaging larawan ng Philippine Coast Guard (PCG), makikitang nagkaroon ng bitak ang ilang bahagi ng pantalan.
Ligtas naman ang lahat ng port personnel, tripulante, at mga mangingisda na nasa pantalan nang maganap ang insidente.
Walang ring naitalang aksidente sa karagatan nang tumama ang lindol.
Ayon sa Coast Guard Station – Masbate, inihinto ang operasyon sa nasabing pantalan habang nagpapatuloy ang safety assessment sa mga kritikal na bahagi nito.
Agad din namang binuksan ang Cataingan Port para sa biyahe ng mga sasakyang pandagat bandang 12:00 ng tanghali.
Maliban sa pantalan, naramdaman din ang pagyanig sa Coast Guard Regional Training Center sa Masbate kung saan nagsasanay ang 476 female trainees ng PCG.
Ligtas naman ang lahat ng mga nagsasanay.
Matapos ang lindol, bumuo ang Coast Guard Station – Masbate ng Deployable Response Group (DRG) para mapabilis ang pagresponde sa Cataingan Port at mga iba pang bayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.