Sweldo ng mga city hall employees ipinagdamot ng konseho-WackyLeaks ni Den Macaranas

 

Hindi hinarap ng Vice-Mayor at walong city Councilors ang mga nag-rally na tauhan ng kanilang city hall na malapit lang sa Metro Manila.

Mula kasi noong Enero hanggang ngayon ay hindi na nakatikim ng sweldo ang mga nasa ilalim ng “Job Order” na kinabibilangan ng mga traffic enforcers, garbage collectors at ilan pang empleyado sa city hall.

Ang dahilan, ginaya nina Vice-Mayor si Pangulong Noynoy Aquino.

Kung ang Pangulo ay ibineto ang dagdag na pondo sa pension ng mga SSS members, sina Vice-Mayor naman ay ibineto ang pondo para sa mga maliliit na empleyado sa munisipyo.

Bahagi ito ng kanilang political move para magalit ang mga empleyado ng city hall sa nakaupong alkalde ng lungsod.

Sinabi ng mga nagrally na ngayon lang ito nangyari at malinaw ang kamay ng pulitika sa isyung ito.

Kaawa-awa ang pamilya ng mga apektadong empleyado dahil wala naman silang kinalaman sa usaping ito.

Dahil lamang sa kagustuhan ng grupo ni Vice-Mayor at walong Konsehal na idiskaril ang kasalukuyang administrasyon kaya nila ginagawa ito.

Nauna na rin kasing lumabas sa lungsod ang mga balita na umano’y nabili na ang kampo ng naturang Vice-Mayor at mga Konsehal kaya sila lumipat sa poder ng mag-asawang kandidato na “unli” ang budget sa darating na halalan.

Pera-pera na nga ba ang laban? Sila lang ang nakakaalam dahil malaki ang future ng lungsod na ito lalo na sa investments na matatagpuan sa Central Luzon.

Pera man o para sa ikabubuti ng lungsod, hindi dapat nadadamay ang mga ordinaryong empleyado na umaasa lang sa araw-araw na sweldo.

Hindi dapat maging hostage ang kakarampot na sweldo dahil lamang sa political ambition ng iilang tao.

Dapat ay maging parehas ang laban sa eleksyon, plataporma at hindi kwarta ang siyang dapat na ipakita ng mga nag-aambisyon na mamuno sa pwesto dahil sa huli performance pa rin naman nila ang huhusgahan ng mga botante.

Huwag maging gahaman sa pera, parehas dapat ang laban para sa magandang kinabukasan.

Ang Vice-Mayor na inirereklamo ng mga empleyado ng kanilang city hall ay si Mr. J….as in Jumping Politician ng Central Luzon.

Read more...