Boyfriend iniuugnay sa pagkamatay sa GF na casino manager

By Den Macaranas March 01, 2016 - 08:59 PM

Solaire
FB photo

Pinaghahanap na ngayon ng mga tauhan ng Parañaque City Police Station ang boyfriend ng namatay na assistant manager ng VIP Premium Service Department ng Solaire Resorts and Casino.

Sinabi ni Parañaque City Police Chief Supt. Ariel Andrade na itinuturing nila bilang “person of interest” si Rodney Ynchausti, boyfriend ng 25-year-old na biktimang si Edgel Joy Durolfo.

Si Ynchausti kasama ang tatlong kalalakihan na kinilalang sina “Pau Egoc,” “Molo Hwang,” and “Beah Lim” ang nakunan ng CCTV na kasama ng biktima palabas ng kanilang silid sa naturang hotel.

Sila rin ang nagdala sa walang-malay na biktima sa San Juan De Dios Hospital sa Pasay City pasado alas-kwatro ng madaling-araw kanina at makalipas lamang ang ilang oras ay namatay din ang biktima.

Sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, malaki ang kanilang hinala na namatay ang biktima dulot ng drug overdose at sa pamamagitan ng pagsakal sa kanyang leeg.

Kinakitaan din ng maraming pasa at sugat sa katawan ang biktimang si Durolfo.

Sinabi ng Nanay ng biktima na mismong ang boyfriend pa ng kanyang anak ang nagsabing nasa ospital si Durolfo kaya kaagad silang nagpunta sa pagamutan.

Doon din niya napansin na may mga kalmot at kagat sa kamay si Ynchausti bago ito umalis ng hindi nagpapa-alam.

Pinuntahan na rin ng mga pulis ang bahay ni Ynchausti sa BF International Village sa Las Piñas pero hindi na ito matagpuan.

Sa kanilang panig, sinabi ni Joy Wassmer, spokesman ng Solaire Resorts and Casino na nakahanda silang tumulong sa mga kaanak ng biktima pati na rin sa ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad.

TAGS: Durolfo, Paranaque PNP, San Juan De Dios Hospital, Solaire Resorts and Casino, Ynchausti, Durolfo, Paranaque PNP, San Juan De Dios Hospital, Solaire Resorts and Casino, Ynchausti

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.