LPA sa Cagayan naging bagyong Helen na; pero agad ding lumabas ng bansa
Nabuo bilang ganap na bagyo ang Low Pressure Area na binabantayan ng PAGASA sa Cagayan.
Ayon sa PAGASA, Lunes (August 17) ng gabi nang maging ganap na bagyo ang LPA at pinangalanan itong Helen.
Pero ngayong umaga, sinabi ng PAGASA na agad ding nakalabas ng bansa ang bagyo ala 1:00 ng madaling araw ngayong Martes (August 18).
Ang tropical depression Helen ay huling namataan sa layong 395 kilometers West ng Basco, Batanes.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers bawat oras at pagbugso na 70 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometers bawat oras sa direksyong west northwest.
Sinabi ng PAGASA na patungo na ng China ang bagyo at inaasahang tatama ito sa kalupaan ng Guandong Province.
Samantala ang isa pang LPA na binabantayan ng PAGASA sa Silangan ng Mindanao ay nalusaw na kaninang alas 2:00 ng madaling araw.
Habang isa pang LPA ang namataan ng PAGASA sa labas ng bansa at ang trough nito ang nakaaapekto sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Sa weather forecast ng PAGASA, ngayong araw ang Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, MIMAROPA, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at BARMM ay makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan dahil sa Habagat.
Trough ng LPA naman ang magdudulot ng pag-ulan sa Caraga, Northern Mindanao at nalalabi pang bahagi ng Visayas.
Habang sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, bahagyang maulap na papawirin lamang ang iiral na mayroong isolated na pag-ulan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.