Panibagong dalawang buwan na pagpapaliban sa pagbubukas ng klase dapat gamitin upang paghandaan ang blended learning – Rep. Ong

Kuha ni Richard Garcia

Maaring gamitin ng Department of Education at iba pang stakeholders ang karagdagang dalawang buwan na pagpapaliban ng klase upang paghandaan ang blended learning na ipatutupad.

Ayon kay Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong, ang dalawang buwan ay panahon upang maihanda ang DepEd mga guro, estudyante at magulang sa transition mula sa tradisyunal na “face-to-face” learning papuntang blended at flexible learning.

“Natutuwa tayo dahil pinakinggan ng DepEd ang ating hiling na i-postpone muna ang pagbubukas ng klase at sinunod ang ating kahilingan na gawin na lamang ito sa Oktubre. Malaking bagay po ito dahil kahit papaano ay magkakaroon pa ng sapat na panahon ang DepEd, ang ating mga pribadong paaralan, ang ating mga guro at ang ating mga magulang na gumawa ng paraan upang makumpleto ang kanilang mga kailangan para sa tinatawag na blended learning,” saad ni Ong.

Pinatitiyak naman ng mambabatas sa DepEd na bibigyan ng mga kinakailangan na gadgets at instructional tools ang mga guro para makasabay sa blended learning system gayundin ng Personal Protective Equipment (PPE) at regular na COVID-19 test para naman sa mga gurong maitatalaga sa pamamahagi ng learning modules.

Hiniling din nito sa DepEd na bigyang direktiba ang mga private schools na itigil ang pag-oobliga na magbayad ang mga estudyante ng buong matrikula at payagan ang semestral o quarterly payments sa tuition fee.

Paliwanag ni Ong, dapat na bigyang kunsiderasyon ng mga pribadong paaralan ang sitwasyon ng mga magulang na “financially challenged” ngayon o kinakapos ng salapi bunsod ng epekto sa kabuhayan ng COVID-19.
“I just hope that DepEd would really require our private schools to also sacrifice a little, and give consideration for our parents. Kailangan po natin ngayon ay magtulungan at magbigayan,” dagdag ni Ong.

Pinaglalatag din ng kongresista ng malinaw at komprehensibong guidelines ang ahensya para sa public at private schools sa oras na magbukas na ang klase.

“DepEd should provide the public, especially the parents, with complete, clear and comprehensive guidelines for the resumption of classes on October. Many remain unfamiliar with the blended learning system. DepEd should use this postponement wisely to ensure that parents, teachers, and learners are fully ready for the new system of classes,” pagtatapos ng kongresista.

 

 

Read more...