Japan magbibigay ng military plane sa Pilipinas

By Alvin Barcelona March 01, 2016 - 04:27 PM

Japan surveilance plane
Reuters

Kinumpirma ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na nag-alok ang bansang Japan na bigyan ang Pilipinas ng surveillance aircraft na pwedeng gamitin lalo na sa pagbabantay sa teritoryo ng bansa.

Pero ayon kay Gazmin hindi pa naman pinal ang nasabing alok ng Japan at kailangan pa umano itong pag-usapan ng masinsinan.

Kahapon pinirmahan nina Gazmin at Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhide Ishikawa ang kasunduan kaugnay sa Transfer of Defense Equipment and Technology na isang patunay na lalo pang palalakasin ang defense partnership ng Pilipinas at Japan.

Tumanggi namang mag-komento pa ang Kalihim kung may kinalaman sa isyu sa West Philippine Sea ang nabanggit na kasunduan.

Ayon pa kay Gazmin, ang kasunduan ay hindi lamang magpapalakas ng ugnayan at relasyon ng dalawang bansa kungdi makakatulong din ito sa pagpapalakas ng defense capabilities ng Armed Forces of the Philippines na siyang kinakailangan para magkaroon ng regional peace and stability lalo na sa pinag aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Tiniyak naman ng Defense Secretary na patuloy na nakatutok ang pamahalaan sa mga kaganapan sa West Philippine Sea lalo na sa naging pahayag ng U.S na tuloy-tuloy ang pagpapalakas ng pwersa ng China sa lugar.

TAGS: China, Gazmin, Japan, PAF, West Philippine Sea, China, Gazmin, Japan, PAF, West Philippine Sea

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.