YouTuber na si Emman Nimedez, nasa ICU

Dinala sa intensive care unit (ICU) ang YouTube sensation na si Emman Nimedez.

Ito ay inanunsiyo ng kaniyang kasintahan na si Peachy Bonifacio Santos gamit ang Facebook account ng binata, Biyernes ng gabi.

Batay sa post, sinabi ni Peachy na dinala sa ICU si Emman bunsod ng kidney failure at blood complication.

Unstable aniya at kritikal ang kondisyon ni Emman.

“Nawalan po siya ng malay around 10pm, tinry ko po siyang gisingin pero di na po siya nagrerespond. Hindi pa namin siya nakausap since kagabi,” ani Peachy.

“Bago po siya pinasok sa ICU kausap po namin siya kasama ang Team Payaman at mahal nya sa buhay and alam kong naririnig nya yun dahil tumatango po sya at nakahawak ng mahigpit sa kamay ko,” dagdag pa nito.

Humiling naman si Peachy ng tulong mula sa mga tagahanga ni Emman.

“Kailangan po namin ng suporta at tulong nyo ngayon malaki man o maliit ang halaga. Pera man o simpleng pag share lang ay malaking tulong na po yun para sa kay Emman,” ani Peachy.

Si Emman ay mayroong 2.17 million subscribers sa YouTube.

Read more...