Isyu sa laban ni Pacquiao, tatalakayin ng Comelec en banc

Manny Pacquiao listens during a news conference to promote an upcoming boxing match Thursday, Jan. 21, 2016, in New York. Pacquiao is scheduled to fight Timothy Bradley on April 9, 2016,  in Las Vegas.  (AP Photo/Frank Franklin II)

Kabilang sa mga tatalakayin sa en banc ngayong araw ng Commission on Elections (Comelec) ang isyu hinggil sa magaganap na laban ni Manny Pacquiao kay Timothy Bradley sa April 9.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, pag-aaralan ngayon ng en banc ang isyu kung may paglabag bang magaganap dahil si Pacquiao ay isang senatorial candidate at ang petsa ng laban ay pasok sa campaign period.

Sinabi ni Bautista na malinaw sa batas na kailangang lumiban muna sa trabaho o mag-resign ang mga TV at radio personalities sa panahon ng kampanya pero ibang usapin aniya ang hinggil sa laban ni Pacquiao.

Paliwanag ni Bautista, isang boksingero si Pacquiao at masasabing ang boxing ay isa niyang trabaho o propesyon.

Ang malaking isyu ngayon ayon kay Bautista ay ang pag-broadcast sa kanyang laban sa kasagsagan ng kampanya dahil makakakuha ang boksingero ng malaking advantage lalo na sa exposure kumpara sa ibang kandidato.

Sinabi ni Bautista na kinakailangang makabuo ng posisyon o pasya ang Comelec bago ang laban sa April 9.

Una rito, binalaan ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon si Pacman na posibleng may kaharaping kaso sakaling ituloy ang laban dahil sa paglabag sa Fair Elections Act.

Ang ilang election lawyer naman ay naniniwalang magkakaproblema ang mga network na magpapalabas o magcocover ng laban dahil kasagsagan nga iyon ng campaign period.

 

Read more...