Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, sabay na gagawin ang clinical trials sa Pilipinas at Russia.
“Tungkol naman po sa Gamaleya vaccine ng Russia, ito po ang mahalagang pangyayari. Sa Setyembre, magkakaroon ng review ng vaccine expert panel ng resulta ng clinical trials phase 1 and phase 2 na ginawa po sa Russia. Mula Oktubre hanggang Marso naman po ng susunod na taon magkakaroon ng clinical trial phase 3, simultaneous po ‘yan sa Pilipinas at Russia, sabay po itong gagawin nga po sa Russia. Ang Russia po ang magpopondo ng clinical trial na gagawin sa Pilipinas,” pahayag ni Roque.
Sa phase 3 clinical trials, libu-libong pasyente ang tuturukan ng bakuna para suriin kung ligtas at epektibo.
Sa Abril ng susunod na taon ay inaasahan nang maaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang bakuna.
Kapag nagkataon, sinabi ni Roque na sa May 1 ng susunod na taon ay inaasahan nang matuturukan na ng bakuna si Pangulong Duterte.
“Sa Abril inaasahan pong marerehistro ang vaccine ng Russia sa Food and Drug Administration, at ibig sabihin po sa Maya a-uno 2021 pa lamang pwedeng magpasaksak ng bakuna galing sa Russia ang ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Inaasahan po natin na pwedeng magpabakuna ang ating Presidente dito po sa Russian na bakuna sa Mayo a-uno 2021,” pahayag ni Roque.
Bukod kay Pangulong Duterte, nagpahayag na rin ng kahandaan si Senador Christopher “Bong” Go na mauna na rin sa pagpapaturok sa bakuna kontra COVID-19.
Bagamat sa Mayo 2021 pa inaasahang magagamit ang bakuna sa Pilipinas, kumpiyansa pa rin ang Palasyo na magiging masaya pa rin ang Pasko.
“Pwede po dahil ang alam ko po ‘yung sa Tsina, sa Oxford at sa Amerika nasa 3rd Phase na po sila ng clinical trial,” ayon kay Roque.
Sa pinakahuling talaan ng Department of Health (DOH) nasa 143,749 katao na ang nagpositibo sa COVID-19 kung saan 2,404 na ang nasawi at 68,997 ang nakarekober.