Sinimulan na ng publishing giant na Trinity Mirror ang pag-lathala ng ‘The New Day’ sa UK kahapon, kung saan nilalaman ng unang pahina nito ang istorya tungkol sa mga kabataang nag-aalaga sa kanilang magulang, at isang column ni Cameron na nananawagan sa Britain na manatili sa European Union.
Ang paglalabas ng bagong national newspaper ng Britain ay naglalayong patunayan na kaya pa ring mabuhay ng print news sa kabila ng Internet age.
Noong nakaraang linggo lamang, nag-anunsyo na ang The Independent na hanggang March 26 na lang sila magla-lathala ng dyaryo, at ipagpapatuloy na nila ito sa internet dahil sa pag-bagsak ng benta nito.
Iginiit naman ng pamunuan ng bagong dyaryo na hindi lang ito basta simpleng dyaryo, kundi may mga pakulo rin ito para makuha ang interes ng mga mambabasa.
Ayon sa kanilang executive editor, malaki ang pagkakaiba nito sa pang-karaniwang dyaryo.
Ipinamigay ng libre ang 40-pahinang The New Day kahapon, pero ang trial price nito sa loob ng dalawang linggo ay 25 pence, at sa susunod ay magiging 50 pence na.