Mga opisyal ng PhilHealth na present sa pagdinig ng Kamara, handang ipasilip ang bank accounts
Handa ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na lumagda sa isang waiver upang pahintulutan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na silipin ang kanilang mga bank account.
Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts at House Committee on Good Government and Public Accountability, tinanong ni Deputy Speaker LRay Villafuerte ang mga opisyal ng PhilHealth na present kung walang itinatagong anomalya.
Kasabay ang hamon na lumagda ng waiver para silipin ng AMLC ang kanilang mga bank deposits na sinang-ayunan naman ng mga ito.
Lahat halos ng mga opisyal ng PhilHealth na present sa plenaryo at nasa zoom hearing ay sumang-ayon na lumagda ng mga dokumento para ipasilip ang mga bank accounts maliban na lamang kay PhilHealth President and CEO Ricardo Morales na agad umalis sa hearing matapos sumama ang pakiramdam.
Bukod sa mga opisyal na present sa pagdinig sa mga katiwalian sa PhilHealth ay sisikapin din na maisama sa papipirmahin ng waiver para sa AMLC ang mga board members, executive committee at regional members ng PhilHealth.
Giit naman ni Villafuerte, hindi ito pang-haharass sa mga taga-PhilHealth kundi paraan ito para malaman ang katotohanan at maresolba ang isyung kinakaharap ng ahensya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.