Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bago pa man ipamahagi sa mga Filipino ang bakuna, dadaan muna ito sa pagsusuri ng Food and Drug Administration (FDA).
Kailangan aniyang sundin ang batas sa Pilipinas na nagsasaad na walang gamot ang maaring ibigay sa publiko hanggat hindi dumadaan sa FDA.
Maari rin aniya na ang gobyerno na ang gumastos sa clinical trials.
Ayon kay Roque, ang FDA ang magbibigay ng permit sa isang gamot kung wala namang clinical trial.
Maari naman aniyang hindi na sundin ang batas kung magdedeklara ang FDA ng emergency at para sa compassionate use.
“Unless the FDA declares nga an emergency, compassionate use, iyon po pupuwede ‘no. Pero for mass distribution, tingin ko po, dapat sundin pa rin iyong batas and that calls for clinical trials po. Puwede naman po ang gobyerno gumastos diyan sa clinical trials na iyan,” ani Roque.
Una nang sinabi ng Russia na nakalikha na sila ng bakuna kontra sa COVID-19.
Naging hayagan rin ang kahandaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging bahagi ng clinical trial ng bakuna ng Russia.