Iminungkahi ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin sa mga local government units na gamitin ang kanilang mga special education funds sa pag-i-imprenta ng mga modules at sa internet access ng mga estudyante.
Ayon kay Garbin hindi sapat ang MOOE budget para pambili ng mga materyales na kakailanganin sa bagong approach ngayon ng pagtuturo dahil nakadepende lamang ito sa bilang ng mga estudyanteng naka-enroll.
Aniya, dapat na ipagamit na ang SEF dahil libu-libong mga guro mula sa mga malalayong lugar ang humihiling ng donasyon para sa supplies at mga kagamitan na kakailanganin para sa mga learning modules.
Bukod sa gagamitin ito sa learning modules ay maaari aniyang gugulin ang SEF para pambili ng desktop computers, laptops, pocket wifi, broadband subscription at pag-acquire ng BGANs at VSAT equipment para mapalakas ang internet access sa online learning.
Paliwanag nito, ekslusibo lamang and SEF para sa edukasyon kaya maaari itong ma-realign para magamit sa blended at flexible learning ngayong pasukan.
]