Mahigit 400 pang aplikasyon para sa permit sa pagtatayo ng cell site tututukan ng DILG
Binabantayan na ng Department of Interior and Local Government o DILG ang mga aplikasyon para sa pagtatayo ng cell sites na nakabinbin sa mga lokal na pamahalaan.
Sa pulong ng Inter Agency Task Force kay Pangulong Rodrigo Duterte iniulat ni DILG Sec. Eduardo Año na kabilang sa mga network companies na mayroong pending applications sa mga LGU ay ang Globe, Smart, DITO at Touch Mobile.
Sa ginawang imbentaryo ng DILG, ang mga aplikasyon ay nakabinbin sa nasa 80 lokal na pamahalaan na kinabibilangan ng 55 probinsya at 25 lungsod.
Ayon kay Año, sa 1,930 na naisumiteng aplikasyon, 1,502 na ang aprubado at 428 pa ang pending.
Siniguro ni Año na masusing babantayan ng DILG ang mga nakabinbin pang aplikasyon para masiguro ang mabilis na proseso nito.
Mula sa dating mahigit 200 araw na proseso para maaprubahan ang permit, sinabi ni Año na dapat ay umabot na lamang sa 16 na araw ang proseso sa pag-apruba ng permit.
Kung hindi man maaaprubahan sinabi ni Año na dapat ay mayroong sapat na dahilan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.