Malaking bahagi ng bansa uulanin pa rin dahil sa Habagat

Apektado ng Southwest monsoon ang malaking bahagi ng Luzon.

Pinalalakas pa rin kasi ng Severe Tropical Storm Mekkhala na dating si Bagyong Ferdie ang Habagat.

Ang naturang bagyo ay patungo na ng mainland China.

Ngayong araw, sinabi ng PAGASA na ang Ilocos Region, Batanes, Babuyan Group of Islands, Zambales at Bataan ay makararanas ng maulap na papawirin na mayroong mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan.

Kalat-kalat na pag-ulan din ang mararanasan sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, nalalabing bahagi ng Central Luzon, at sa CALABARZON.

Sa nalalabi pang bahagi ng bansa, bahagyang maulap na papawirin lang ang iiral at makararanas lang ng pag-ulan dahil sa localized thunderstorms.

Samantala, ang isa pang bagyong binabantayan ng PAGASA sa labas ng bansa ay nasa layong 2,205 kilometers east ng Extreme Northern Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 70 kilometers bawat oras.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 25 kilometers bawat oras sa direksyong pa-kanluran.

Ayon sa PAGASA, maliit naman ang tsansa na papasok ito sa bansa.

Dahil sa malakas na hangin na dulot ng Habagat nakataas ang gale warning sa mga baybaying dagat ng Isabela, Cagayan, Babuyan Islands, Batanes, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.

 

 

Read more...