Sen. Gordon, pinuna ang kawalan ng malinaw na COVID-19 policies sa LGUs
Sinabi ni Senator Richard Gordon na kulang sa malinaw na COVID-19 policies ang mga lokal na pamahalaan.
Hinugot ni Gordon ang pahayag na ito sa naging sitwasyon ng isang healthcare maintenance organization (HMO) nurse na pinalayas sa kanyang inuupahang kuwarto sa Makati City nang malaman ng kanyang kasera na tinamaan ito ng COVID-19.
“Ito ay storya ng discrimination. ‘Wag n’yong gagawing ito sa kapwa natin Pilipino… Lahat ng tao, dapat tinutulungan natin. Mukhang mali ang polisiya ng gobyerno. Isang nurse na magagamit natin sa paglaban sa COVID, lumalabas, walang policy ang gobyerno. ‘Di nate-train ang barangay para alam nila kung ano ang gagawin ‘pag may ganyang kaso,” diin ni Gordon.
May mga pasilidad aniya ang mga lokal na pamahalaan para sa COVD-19 patients at dapat hanggang sa barangay level ay alam at may kakayahan na ipatupad ang protocols.
Sa kuwento ng nurse na itinago sa pangalang Gem, sinabi nito na hindi na rin siya masaklolohan ng kanyang pamilya na nasa Batangas dahil gabi na.
Naglakad nang naglakad si Gem hanggang sa umabot sa Pasay City para sa kanyang matutuluyan.
Nabigo din siyang masaklolohan ng pamunuan ng Barangay Olympia sa Makati City hanggang sa i-rescue siya ng mga tauhan ng Philippine Red Cross, na nanlumo sa ginawa sa isang medical frontliner.
“Nanlulumo ako nung nakita ko talaga. Nandun siya sa gutter nakaupo. Naiyak talaga ako nun – ang nurse na nag-COVID positive ganun ang treatment natin. Imagine, nangyayari pala ito, ilang nurse dyan ang nasa kalye ngayon,” kuwento ni PRC welfare officer Zenaida Beltejar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.