Palasyo, kampanteng masisibak ang mga tiwaling opisyal ng PhilHealth

Kampante ang Palasyo ng Malakanyang na masisibak sa serbisyo ang mga tiwaling opisyal sa PhilHealth.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay dahil inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Presidential Management Staff Undersecretary Melchor Quitain para magsagawa ng imbestigasyon.

Inihalimbawa ni Roque ang utos noon ni Pangulong Duterte kay Quitain na imbestigahan ang PhilHealth dahilan para matanggal ang dating presidente, CEO at private board members.

“Well, medyo ingat lang po tayo kasi, unang-una, nag-order na po siya ng imbestigasyon kay Usec. Quitain. At noong last time naman po siyang nag-order ng ganiyang bagay kay Usec. Quitain, naging dahilan para natanggal iyong dating Presidente at lahat iyong mga private board members. So, ako naman po ay kampante ako, bagama’t tahimik ang Presidente dahil umuusad naman ang imbestigasyon ni Usec. Quitain,” pahayag ni Roque.

Dati aniyang city administrator ng Davao City at pinagkakatiwalaan ni Pangulong Duterte.

“Alam po ninyo, itong si Usec. Quitain ay dati niyang city administrator sa Davao, so pinagkakatiwalaan niya at hindi lang po ito ang naimbestigahan na ni Usec. Quitain. Kung babalikan po ninyo lahat ng nareklamo sa akin, noong unang beses na ako ay naging Spox, pinadala ko po sa departamento ng PMS, ay si Usec. Quitain talaga ang taga-imbestiga ni Presidente. So ang hiling ko lang po sa taumbayan, on the basis of the track history naman po ni Presidente, hinahayaan niyang magkaroon ng mabuting imbestigasyon. At kapag nandiyan na po ang ebidensiya, hindi naman po siyang mag-aatubili na sibakin at kasuhan,” ani Roque.

Read more...